Sunday, September 06, 2009

Masaker Ng Mga Kababaihan sa TV Show Na *Supernatural*

* SPOILERS *
Habang nakakulong ako sa bahay dahil sa lakas ng ulan, muli kong pinanood 'yung Season 4 Finale ng Supernatural na *Lucifer Rising.*

Ang partikular na episode na ito ay ang kulminasyon ng tuluy-tuloy na pagsira ni Lilith (na ayon sa palabas na ito, ay ang unang *demon*) sa 66 seals na magpapalaya kay Lucifer, at magpapasimula ng Apocalypse. 'Di gaya ng mga naunang season at episode, wala nang masyadong aksyon at humor dito. Puro pagpapaliwanag at diskurso na lang-- na pawns lang pala ang magkapatid na Sam at Dean Winchester sa cosmic battle sa pagitan ng Langit at Impyerno, ng mga anghel at mga demonyo; kaya pala patuloy na nasisira ni Lilith ang mga seal ay dahil 'di naman talaga s'ya pinipigilan ng mga anghel, dahil gusto na rin nilang matupad ang Book of Revelations; na pre-ordained ang magiging papel ng magkapatid a Sam at Dean dito; na *God has already left the building*; at, si Lilith, bilang unang demon, ay ang huling seal para tuluyang makawala sa bottomless pit si Lucifer.

Maraming magaganda at interesting na isyu ang tinalakay ang episode na 'to. Tinatahi na rito ang mga loose end, at sinasagot ang mga tanong na naiwang nakabitin sa mga nakaraang installment. Nagbigay rin ito ng sariling interpretasyon-- kahit 'di naman bago lahat ng mga ideya-- tungkol sa Apocalyse, pre-destiny, at existence at / o partisipasyon ng Diyos sa lahat ng mga pangyayari.

Pero ang napansin ko sa panonood ko kanina sa palabas na ito, at ito ngang episode na 'to, ay ang depiksyon at kinahinatnan ng mga karakter-- partikular ang pagkakaiba ng kapalaran ng mga lalaki atbabae.

Ang mga karakter--

SAM - isa sa dalawang bida, kapatid ni Dean. S'ya pala ang nakatalagang magpalaya kay Lucifer, at lahat ng mga pangyayari sa buhay n'ya-- pati ang pagrerebelde sa buhay ng isang *Demon Hunter* ay kasama sa plano sa kanya. Siya ang makakapatay kay Lilith (o sa babaeng sinapian ng espritu ni Lilith) sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang isip. Pero bago 'yun, papatayin muna n'ya ang isa pang demon (o ang babaeng doktor na sinapian nu'n) para inumin ang dugo upang magkaroon s'ya ng sapat na lakas para patayin si Lilith.

DEAN - kuya ni Sam, ang isa pa sa dalawang bida. S'ya naman ang *Chosen One* sa panig ng *mabubuti.* Sa simula pa lang ay ayaw na n'ya kay Ruby dahil ang tingin n'ya rito ay masamang impluwensya sa kanyang kapatid, masama at may hidden agenda tuwing tutulungan sila. Sa bandang huli, matapos nilang malaman ni Sam ang totoong motibasyon ni Ruby, s'ya mismo ang papatay rito (o sa babaeng sinapian ngespiritu niya) sa pagitan ng pagsaksak.

PARI - sa kanya magsisimula ang episode, kung paanong sinapian s'ya ng isang demon, at kung paano n'ya minasaker ang mga madre habang nagmimisa bilang alay sa kanyang *father* na si Lucifer.

LUCIFER - hindi makikita si Lucifer sa buong episode, pero ang lahat ng mga pangyayari ay upang mapalaya / mapanatili s'ya sa kanyang kulungan. Ang gender assigment na ibinigay sa kanya ay lalaki dahil *father* ang tawag sa kanya, at *he* ang pronoun na ipinantutukoy sa kanya. Mapapansing s'ya ang dahilan ng pagkamatay at pagpatay sa mga kababaihan, directly (daya ng mga madreng minasaker) at indirectly (Lilith, Ruby, at babaeng doktor).

LILITH - sa realidad ng palabas na ito, si Lilith ang unang demon na ginawa ni Lucifer kaya s'ya ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng mga kauri n'ya. S'ya ang magsasabog ng lagim para sirain ang 66 seals na magpapalaya sa creator n'ya. Ang paghahanap at pagpatay sa kanya ang story arc ng buong Season 4. At sa dulo, kailangan s'yang patayin sa pulpit-- bilang ika-66 na seal-- para magsimula ang Apocalyse.

RUBY - dating witch na naging demon nu'ng mamatay. Tumakas mula sa impyerno para tulungan ang magkapatid na Sam at Dean. Sa episode na 'to malalaman ang totoong motibasyon n'ya-- pinag-aaway n'ya ang magkapatid para madali n'ya maimanipula si Sam, ipapapatay n'ya rito si Lilith para mapalaya si Lucifer, at upang maging paborable s'ya sa paningin nito. Nang mapatunayang tama ang hinala sa kanya ni Dean, kamatayan ang magiging kaparusahan n'ya.

BABAENG DOKTOR - *Lilith's Chef* ang tawag sa kanya, at specialty n'ya ang mga sanggol na bagong panganak. Ito-torture s'ya ni Sam para ibigay n'ya ang impormasyon kung saan matatagpuan si Lilith. Aamin s'ya kapalit ng kamatayan. Pero matapos makuha ang kailangan sa kanya, 'di tutupad si Sam sa usapan. Bubuhayin muna s'ya nito ng ilang saglit bago inumin ang dugo para lalong lumakas.

MGA MADRE - papatayin sila nu'ng Pari na sinapian ng demon bilang alay kay Lucifer. 'Di nila maipagtatanggol ang kanilang mga sarili, bagkus,iiyak at sisigaw lamang sila habang kinakatay silang lahat.

May ilan pang mga karakter na interesting na pag-aralan. Ang dalawang archangel na tumutulong / nagmamanipula sa magkapatid ay sina CASTIEL at ZACHARIAH (hindi propeta si Zachariah rito kundi isang archangel o isa sa mga military general ng langit). Kung papansining mabuti, makikitang may role-playing sa kanilang dalawa-- *lalaki* si Zachariah dahil s'ya ang level-headed, nag-uutos, matalino at may paninidigan; samantalang *babae* si Castiel kaya s'ya ang kimi, sunud-sunuran,takot at pabagu-bago ng isip.

At mapapansin ang pattern ng *pagpatay sa mga babae* maski kay Castiel. Nu'ng tulungan ni Castiel si Dean na makatakas para pigilan si Sam, nagpaiwan si Castiel para harapin ang mga galit na galit na archangel. 'Di man ipinakita, alam na nating kung ano ang naging kapalaran n'ya sa kamay nina Zachariah.

Sa pagbabalik-tanaw, maaalalang ang pagpatay ng demon na si Allistair (lalaki) sa Nanay (babae) nina Sam at Dean ang nagpasimula ng kwento. At ang pagpatay ulit ni Allistair (lalaki) sa fiancee (babae) ni Samang magtutulak dito upang balikan ang pagiging demon hunter.

Naramdaman ko na noon pa na may mali sa palabas na ito pero ngayon ko lang napagtuunan talaga ng pansin kung ano 'yun: Misogynist angpalabas na ito.

Sa palabas na ito, kailangang patayin ang asawang babae at kasintahang babae para magkaroon ng motibasyon ang mga lalaking bida at tumakbo ang kwento, kailangang patayin ang mga madre para matuwa ang panginoong lalaki, kailangangang patayin at inumin ang dugo ng doktor na babae para lalong maging malakas ang lalaki, at kailangang patayin ang kaibigang babae dahil inuuto lang pala sila nito.

Pati ang lugar kung saan ginawa ang pangma-masaker sa mga kababaihan ay feminized-- St. Mary's Convent.

'Di ko alam kung ano ang malalim na pagkagalit ng taong gumawa, nagsulat at nag-direk sa Supernatural, at kung sinasadya nila ito okusa lang nagma-manifest 'yung nasa psyche nila.

Pero ang mas nakakaalarma ay ang pagiging subtle noon. Natutuwa tayo sa pinanonood natin pero 'di natin alam na may subtext na pala ng pagkamuhi sa mga kababaihan.
.
--
Sent from my mobile device

No comments:

Post a Comment