Friday, September 04, 2009

Bilog Kasi Ang Buwan

Makakita lang ng taong may dalawang mata, ilong at bibig, mukha n'ya ang nasa isip mo. 'Wag 'di may magbanggit ng abakada, ibinubulong mo na ang pangalan n'ya. Makakita ka lang ng kubyertos, nag-aalala ka kung kumain na ba s'ya.

'Wag mo nang pahirapan ang sarili mo. 'Wag mo nang isipin kung ano ang nangyari, ang nangyayari, at kung ano pa ang posibleng mangyari. Tigilan mo ang paghihimay-himay sa rason at sa emosyon. Baka wala naman talagang makikita sa loob nu'n. Baka wala du'n ang sagot.

Tama na ang pagdadahilan. Tama na rin ang pagbibigay-dahilan sa kanyang kakulangan, at sa sarili mong kalokohan. Lalo mo lang sinasaktan ang sarili mo.

Sabi nga sa 'yo, ang sugat, habang nagnanaknak masarap kamutin. Pero pagkatapos lalong tumitindi ang hapdi. Konting tiis na lang. Pasasaan ba't magiging peklat din 'yan. Peklat na magpapangiti sa 'yo tuwing maaalala mo 'yung panahon na akala mo e hindi 'yun gagaling.

Sa ngayon, 'wag mo nang sisihin ang sarili mo dahil sa 'yong kahibangan. Siguro isa kang dagat. Gustuhin mo man o hindi, kusang aapaw tuwing magbibilog ang buwan.

At seryoso, bilog nga talaga ang buwan.
.

No comments:

Post a Comment