Saturday, September 26, 2009

Ang Ma-Stranded Kasama Ng Isang Tutubi


Dahil sa lakas ng hagupit ng bagyong Ondoy, stranded ako sa bahay.

Maginaw, tahimik at madilim.

Pero okay lang. 'Di naman ako nag-iisa.

Kanina, pagsilip ko sa labas ng bintana, may nakita akong isang tutubi na nakakapit sa dingding. Basang-basa. Binuksan ko 'yun bintana para makapasok s'ya. Para 'di na s'ya mabasa. Pero tumingin lang s'ya sa 'kin. Napansin siguro n'yang nakatingin kasi ako sa kanya. Kaya nagtinginan na lang kami.

Bihirang-bihira na lang akong makakita ng tutubi. Nu'ng maliit pa 'ko, lagi kaming nanghuhuli ng tutubi ng mga kalaro ko. Iba't ibang klase. 'Yung tutubing karayom ay madaling mamatay. Kung 'di maingat ang paghuli at paghawak, mapuputol 'yung katawan. 'Yung regular sized na kulay berde ay common. At 'yung kulay asul ay rare.

'Pag takipsilim, naglalabasan 'yung kulay maroon ng luminous at mas malaki nang konti sa regular sized na berde at asul na tutubi. 'Pag naglalabasan sila, kumpul-kumpol. Marami. Parang ulap sa kalsada. Mababa at mabagal ang lipad, pero mahirap hulihin.

At ang pinakamalaking tutubi ay yung tutubing kalabaw. Kulay berde. Rare at mahirap hulihin.

Noong maliit pa 'ko, lagi kaming nanghuhuli ng mga tutubi ng mga kalaro ko. Paramihan. Nilalagay namin sa bote. Inaalog para makita kung nahihilo rin ba sila. Ginugupitan ng pakpak para malaman kung makakalipad pa rin kahit putot na. Inoopera para makita kung ano ang meron sa katawan nila na hugis helicopter.

Marami akong nahuling tutubi. Kami ng mga kalaro ko.

Ngayon bihira na 'kong makakita ng tutubi. Nakahanap na siguro sila ng pagtataguan. O baka naubos na namin sila.

Kahapon pa malakas ang hagupit ng bagyong Ondoy. Stranded tuloy ako sa bahay ngayon. Malamig, tahimik at madilim. Pero okay lang kahit nag-iisa lang ako. Dahil hindi naman talaga ako nag-iisa. Dalawa kaming nag-iisa. Kami nu'ng tutubi.
.

1 comment:

  1. brother, ang ganda ng tutubi. sana ginarapon mo. joke.

    ganda piktyur.

    salamat din at nag-post ka ng do's and don'ts about helping. yan din ang idea na inatupag namin sa UP psych na palawigin in the aftermath of Ondoy and Pepeng. ang hirap lang sabihin sa mga taong gustong tumulong na maghunos dili sila.

    ReplyDelete