Tuesday, March 18, 2008

Para Kang Tinga

Para kang tinga na sumisingit-singit sa kasingit-singitan ng alaala. Kahit anong pagsesepilyo ang gawin ko sa utak ko, ang hirap mong tanggalin. Hindi ka madaan sa mahinahong pagtulak ng dila pero ayaw ka ring padala sa paspasang pagfo-floss nang tuluyan ka nang mawala sa isip ko. Kahit anong mumog ng bagong karanasan ang gawin, nariyan ka pa rin.

Hindi naman makakasama kung nariyan ka ng ilang araw o buwan lang. Pero kung aabutin ng taon at milenyo, makakaukit ka ng cavity sa ulo ko. Ayaw ko nu'n. Pangit tingnan. Masama sa panlasa. Bad breath sa personalidad. Pati pamilya, matagal nang mga kaibigan at mga bagong kakilala, mate-turn off.

Hindi ko alam kung ano ang nakain ko. At hindi ko alam kung bakit--tinamaan ng lintek--ay pilit kang nagsusumiksik sa hindi mo dapat siksikan. Matagal ka nang dapat pumasok sa lalamunan ko. Matagal ka nang dapat tinunaw ng bituka ko. Matagal ka nang dapat lumabas sa puwet ko. At matagal ka nang dapat bumalik sa pinanggalingan mo bago pa nag-krus ang mga landas natin.

Hindi sa ayaw kita riyan sa buhay ko. Pero baka bumaba ka at makarating sa puso ko. Baka 'yun ang sirain mo. Hindi ko alam kung may root canal o pustiso para ru'n.

Natatakot ako.

No comments:

Post a Comment