Thursday, October 08, 2009

Simpatiya Para Sa 'Yo


Kakatapos lang ng bagyong Ondoy at rumaragasa pa ang bagyong Pepeng, daan-daan ang mga namatay at nawawala, at daang-libo ang nagsisiksikan sa mga evacuation center. Patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin dahil na rin sa pananamantala ng ilang negosyante. Buong bansa ang inilagay ni Gloria sa state-of-calamity, at maraming nagdududa kung hindi ba n'ya ito gagamitin para mapabilis ang pagnanakaw niya sa kaban ng bayan. Patuloy ang korupsyon, ang paghihirap, ang pang-aabuso...

...At ngayon ka pa talaga sumabay na humingi ng simpatiya dahil hindi mo alam kung ano ang gagawin mo sa buhay mo, kung patuloy kang mag-aaral, o kung magta-trabaho ka na, at kung anong klaseng trabaho, pagkatapos mong maka-graduate ng college?

Umamin ka-- adik ka 'no?

Valid ang takot mo, at hindi pwedeng i-dismiss 'yun nang ganu'n-gano'n na lang. At sa maniwala ka't sa hindi, karamihan-- kundi man lahat-- ay dumaraan d'yan. Pero 'wag mong isiping ikaw ang pinakakawawang nilalang sa mundo dahil hirap na hirap ka na dahil hindi mo alam kung ano ang meaning ng life o kung ano ang gusto mong gawin. 'Wag mo ring isiping walang nakakaintindi sa 'yo. 'Yung mga taong inaakusahan mong hindi nakakaintindi sa 'yo, kaya nilang magsulat ng buong libro tungkol sa 'yo.

Pero lawakan mo naman sana, kahit konti man lang, ang pananaw mo sa buhay. Tigilan mo muna ang pagtingin sa sarili mo at sa sarili mo lang. Ilagay mo ang sarili mo sa mundo, sa panahon ngayon, bilang isang mamamayan ng isang third world na bansa.

Matakot ka kung ano ang bukas na naghihintay sa 'yo. Mag-alala ka kung makakasabay ka ba sa mabilis na agos ng buhay. Pero tumingin ka rin sa paligid mo. Ilagay mo ang sarili mo sa tamang konteksto. At tigilan mo na ang kase-self pity at kaiisip na *Gaaahd! Nobody understands me! Life is useless and meaningless and everyone who thinks otherwise is stupid I'm the only one who knows the truth and I'm the protagonist and everybody else is just a prop and extra in this movie set I call life!*

Shut up ka muna kahit ngayon lang. Next week pagkatapos ng mga bagyo, kung gusto mong mag-inarte ulit at patuloy na humingi ng simpatiya, bahala ka. 'Wag lang muna ngayon. Dahil nakakairita ka.
.

No comments:

Post a Comment