Monday, July 14, 2008

'pag tigok na 'yung paruparo


hindi na pwedeng kumislut-kislot
ang mga paruparo 'pag dedbol na
hindi na pwedeng lumipad
at dumapo sa mga bulaklak
at sipsipin 'yung nektar
na umaagos mula sa pagitan
nu'ng mga petal

'pag tigok na 'yung paruparo
hindi na pwedeng maglakwatsa
sa iba't ibang garden
hindi na makakasubok tumikim
ng santan, kampupot, kalatsutsi,
dama de noche, gumamela at rosas
hindi na makakapagkumpara
at wala nang pollen na 'di sinasadya
ay matatangay dahil sa kapabayaan

wala nang bulaklak na matutuwa sa kanyang pagdating
wala nang bulaklak na mai-insecure dahil mukhang hindi s'ya ang gusto nitong dapuan ngayon
wala nang bulaklak, na sa oras na dapuan, ay sasayaw sa hangin
dahil parang gustong patulugin at 'wag nang paalisin 'yung paruparo sa kanyang kandungan
at wala nang bulaklak na malalanta sa oras ng pamamaalam

'pag patay na 'yung paruparo
hindi na nito kailangang maghanap ng bulaklak
na dadapuan, kung saan n'ya uubusin 'yung ilang oras na natitira
sa maikli n'yang buhay
hindi na n'ya kailangang sumalubong sa malakas na hangin para hanapin 'yun
hindi na n'ya kailangang magpakabasa sa bagyo
para lang takpan nu'ng manipis n'yang pakpak 'yung mga petal
para 'wag masira

'pag wala na 'yung paruparo
wala nang mae-excite
wala nang maghihintay sa wala
wala nang matutuwa
wala nang iiyak
wala nang masasaktan


Click the photo for the source.
.

No comments:

Post a Comment