anuman ang mangyari, hindi nagbabago ang tao.
(isang ipokritong sermon mula sa isang nagmamarunong)
ginagawa lang tao ang lahat ng magagawa n'ya upang manatiling buhay at maligaya.
kung ano ang ugali at maging desisyon ng isang taong nasa isang mahirap na sitwasyon, iyon ang totoong siya. ang prinsipyo at paninindigan ay hindi nasusukat sa kung ano ang inuugali ng isang tao kung kailan komportable ang bagay-bagay. bagkus, natitimbang ito sa panahong walang nakakakita at walang magagalit, o walang maaaring matakbuhan, at kapag buhay at kamatayan / dangal at kasiyahan ang pinamimilian.
ang taong tapat, iwan mo mang mag-isa, sa matagal na panahon, ng limpak-limpak na kayamanan, ay hindi matutukso at ni hindi sasagi sa isip niya ang magnakaw kahit katiting. at sakaling matukso man, makakaya niyang kontrolin ang sarili at pagnanasa, pananatilihin ang respeto sa sarili at sa mga mahal sa buhay, at iisipin muna kung ano ang maaaring maging bunga ng kanyang gagawin.
pero ang taong likas na mandaraya--kahit piso lang ang mapunta sa tabi n'ya, kahit mapalingon ka lang, kahit ilang segundo lang--magnanakaw at magnanakaw siya. di niya kasalanan na mayroon siyang ganong pagnanasa. pero ang kasalanan niya ay ang hindi paglaban sa ganoong kasamaan.
No comments:
Post a Comment