May ilang nakabangon nang mabilis. Pero marami ang hanggang ngayon, makalipas ang isang taon, tila nakalubog pa rin ang mga paa sa baha at burak.
Mabilis daw magpatawad / makalimot ang Pinoy. Sana 'di sa pagkakataong ito. Dahil ayon sa sabi-sabi: ang 'di matuto sa kasaysayan, uulit-ulitin ang kamalian.
Larawang kuha sa baha sa Pasig, 30 September 2009.
Ang teksto sa ibaba ay para sana sa opening ng aming Ondoy Photo Exhibit. Sinulat ko ilang linggo makalipas ang Ondoy.
Bahâ Ni Juan
[O Ang Patuloy Na Paghahanap Sa Mga Nawawalang Tsinelas]
Inagos na’t inanod
Ang putik at burak;
Itinambak sa likod
Ng kamalayan at ng utak
Kasama ng tubig-kanal,
Basura, at masasamang alaala.
Pero si Mang Juan--
Hanggang sa mga oras na ‘to--
Ay mahigpit pa ring yapós
Ang mga tsinelas na walang kapares;
Hinahanap ang nawawalang kapares
Sa mga karton at yerong
Nakatambak sa kanto,
Sa mga evacuation center,
Sa kulungan, sa munisipyo,
Sa ospital, sa morge, sa sementeryo.
‘Yung isang tsinelas ay sa kinakasamang si Minda
[Hindi pa sila kasál dahil sa isang buwan pa sana
Ang mass wedding na ipa-public service ni Mayor],
‘Yung isa’y kay Jing-Jing
‘Yung isa’y kay Jun-Jun.
Si Mac-Mac ay tatlong taon pa lang
Kaya kinakarga muna
Dahil ‘di pa nila kayang ibili ng sariling sapin sa paa.
Ang bunso ay nasa tiyan pa ni Minda.
Ang huling paalam ng mag-iina
Ay makikinood lang ng Wowowee sa kapitbahay.
Hinubad nila ang tsinelas bago tumuntong sa magalás na sahig.
‘Di na nila namalayan nang tangayin ng bahâ
Ang tsinelas nila.
Sa tambak ng mga putik na hugis-kaldero,
Hugis-damit, hugis-inidoro,
Hugis-aparador, hugis-lababo,
Hugis-tao--
Natagpuan ni Mang Juan
Ang mga tsinelas ng kanyang mag-iina.
Walang kapares. Ulila.
Kaya’t magpahanggang-ngayon--
Ilang linggo nang naitambak ang mga putik at burak
Sa likod ng isip, sa ilalim ng utak
Kasama ng EDSA Uno at EDSA Dos
Kasama ng mga pangakong napapáko tuwing eleksyon
Patuloy pa rin si Mang Juan
Sa paghahanap sa mga nawawalang kapares
Ng mga tsinelas nina Minda, Jing-Jing, at Jun-Jun
Dahil baka bukas-makalawa
Pagkatapos ng Wowowee, uuwi ang kanyang mag-iina
Walang maisusuot na sapin sa paa.
.